Bagong Tiktik, Thursday, January 6, 2011
Nang pangunahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang pagpapalit ng liderato ng Philippine Navy nitong martes, nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng hukbong pandagat ng Pilipinas. Panahon pa naman daw pala ng giyerang Vietnam ang karamihan ng mga barko, eroplano, helicopter at mga kagamitan ng Navy at nangako siya ng kinakailangang modernisasyon ng mga ito.
Tama at agaran ang kinakailangang pagbabago dahil isa ang Pilipinas sa may pinakamalawak na coastal area sa buong mundo na sakop na responsibilidad ng Navy. Paano nga naman nilang mababantayan ang atoing karagatan kung bukod sa sisinghap-singhap ang mga barko't iba pang sasakyan ng Navy ay iilan lamang ito?
Napakalaking tulong kung matutupad ang modernisasyon dahil makatutugon ang hukbong pandagat sa pangangailangan ng bansa sa seguridad lalo sa paghahanap ng langis sa karagatan.
Mabagal ang pag-usad sa paggalugad ng mga lugar na pagkukunan ng enerhiya, partikular sa bandang timogng bansa dahil andoon ang pangamba ng mga komunista, militanteng mga muslim, pati ng mga terorista. Kung may makikitang kakasang hukbong pandagat, magdadalawang-isip ang mga ito.
Kung moderno rin at may sapat na dami ang mga kagamitan ng Navy, higit silang makaktulong lalo sa panahon ng mga kalamidad at makapagsisilbi sa mga mamamayan.
Lubhang kinakailangan ng bansa ang modernisasyon at pagdagdag ng mga kagamitan, lalo ang sapat at naangkop na pagsasanay hindi lamang sa Navy kundi sa kabuuang puwersa ng Pilipinas. Kailagang tapatan ng pamahalaang ang kagitingan at katapangan ng ating mga tagapagtanggol para maging mas epektibo sila sa sinumpaang tungkulin.
No comments:
Post a Comment