Wednesday, June 2, 2010

Tangkang panunuhol sa Marines ibinunyag

By: JB Salarzon

Abante, Miyerkules, hunyo 2, 2010

Dalawampu’t tatlong araw matapos ang May 10
election, ibinunyag kahapon ng isang opisyal
ng Philippine Marines ang tang­kang panunuhol
ng ilang campaign leader ng ilang kandidato
sa ilang sundalong nagsilbing security sa ilang
presinto sa Sulu.

Ayon kay Lt. Col. Ca­milo Balutan, commander ng
Marine Battalion Landing Team 5 (MBLT5),
malalaking halaga ang ini­umang ng mga campaign
leader sa ilang sundalo na namuno sa pagbibigay
ng seguridad, lisanin lamang ang presinto at
mai-tamper ng mga ito ang ballot boxes.

Gaya na lamang ang karanasan ni Private First
Class Rhomel Divina na siyang namuno sa
seguridad sa Maligay polling precinct kung
saan sinubukang suhulan siya ng halagang P100,000.

Pero ang isinagot umano nito sa sumusuhol:
“Hin­di nababayaran ng pera mo ang serbisyo ko.”
Ganito rin ang naging karanasan ng halos lahat
ng mga sundalong naita­la­ga sa mga presinto ng
Ka­umpang Elementary School.

Ayon naman kay Staff Sergeant William Magpili,
nilapitan din siya sa Baunon Bangkal precinct
at tinangkang suhulan ng napakalaking halaga
para hayaan ang nanunuhol na i-tamper ang
natitirang 168 balota.

Hindi naman nilinaw ni Balutan kung iniulat
nito ang mga naganap na panunuhol sa kanyang
mga sundalo sa Commission on Elections (COMELEC)
at kung kaninong mga tauhan ng mga kandidato
ang mga nanuhol.

Kahapon, binigyan ng parangal ni Marine Commandant
Maj. Gen. Juancho Sabban ang mga sundalong naging
matapat sa kanilang tungkulin sa pagbibigay ng
seguridad sa naganap na eleksiyon sa nasabing lalawigan.

No comments:

Post a Comment