By JB Salarzon/Rose Miranda
Abante, Tuesday, June 14, 2011
Sampung araw na bababad sa katubigan ng Pilipinas ang dalawang sasakyang pandigma ng Estados Unidos, kasama ang isang United States Navy Ship (USNS) para sa gagawing joint naval exercises ng Philippine Navy sa Sulu Sea.
Ayon kay Lt. Col. Omar Tonsay, tagapagsalita ng Navy, makakasama sa aktibidad ang USS destroyer ‘Chung-Hoon’ (DDG 93), USS destroyer ‘Howard’ (DDG 83) at ang auxiliary support vessel na USNS ‘Safeguard’ (ARS 50) para sa 2011 Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT).
“Gaganapin ‘yung CARAT simula Hunyo 28 hanggang Hulyo 8,” ani Tonsay.
Ang Sulu Sea ay matatagpuan sa west eastern na bahagi ng Palawan.
Ang Chung-Hoon na may lulang 280 sailors ay umalis sa Joint Base Pearl Harbor-Hickam base noong Hunyo 1 sa Hawaii patungong Western Pacific.
Hindi na ito ang unang pagkakataon na sasali ang Chung-Hoon sa military exercises sa bansa dahil nakasama rin ito ng Philippine Coast Guard noong nakaraang taon sa ginawang “boarding and searching vessels” sa Sulu Sea.
Sinabi ni Tonsay na ang Chung-Hoon ay nasa international waters pa lamang sa kanlurang bahagi ng bansa.
Sa bahagi naman ng Philippine Navy, sinabi ni Tonsay na na apat na barko at isang eroplano ang makakasali sa CARAT.
“We will be deploying in the joint exercises a patrol ship, two patrol gunboats and a logistic/landing ship. We will also deploy an Islander aircraft,” ani Tonsay.
Nilinaw din nito na walang kinalaman ang tensyon sa Spratlys ang gagawing CARAT dahil ito’y taunang ginagawa sa loob ng nakalipas na 10 taon.
Kaugnay nito, iniulat kahapon ng Malacañang na pinalalakas na ng pamahalaan ang kapasidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mas epektibong proteksyon sa karagatan ng Pilipinas.abante.com.ph