Mas pinalawak ng Philippine Navy ang kanilang Disaster Response Operations sa Albay kasunod ng pananalanta ng bagyong Bebeng habang patuloy nitong sinusuyod ang kabuuan ng Luzon.
Ayon kay Navy Flag Officer in Command Vice Adm Alexander Pama, inutos niyang ilagay sa heightened alert ang mga Navy units na nakatalaga sa mga lugar na apektado ni Bebeng mula pa noong Sabado hanggaang ngayon araw na ito, Mayo 9.
Nabatid kay Pama na kanilang sinanay, inorganisa, at binigya ng gamit ang mga Disaster Response and Rescue Teams (DRRT) upang madaliang mabigyang tulong ang mga nasalanta kasabay ng pakikipagsangguni sa mga local Disaster Management Councils ng iba’t-ibang lalawigang apektado ng bagyo.
Habang palabas na ng bansa ang tropical storm Bebang ay nanatiling naka-alerto ang Naval Forces Central na nakabase sa Cebu, Naval Forces Northern Luzon na nakabase sa La Union, Naval Forces Southern Luzon na nakabase sa Quezon at and Fleet-Marine Ready Force (FMRF) na nakabase sa Cavite.
Ayon naman kay Commodore Joel E. Babas, Commander ng Naval Forces Southern Luzon (NFSL), nakapag-evacuate na ng 38 biktima ng bagyo kabilang na ang 18 bata mula sa mga binahang lugar sa Barangay Bulusan, Libon, Albay ang NFSL Disaster Response and Rescue Teams.
Nabatid na umabot na sa 10 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Bebeng sa bansa at umakyat naman sa mahigit 83,000 libo ang apektadong residente.
Sa pinaka-latest na report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) karamihan sa mga biktima ay mula sa Bicol region at silangang Visayas na biktima ng pagkalunod at landslides.
Umabot naman sa 16,408 pamilya o katumbas ng 83,561 katao ang apektado at karamihan ay nagsilikas.
Simula Linggo ng hapon, Mayo 8, ay umabot sa 4,705 na pasahero ang stranded sa mga pantalan at terminals sa Albay, Sorsogon, Masbate, Catanduanes, Camarines Sur, Romblon at Lucena dahil sa sama ng panahon.