By Joy Canto
Philstar, Satuday, March 26, 2011
Anim na Chinese nationals ang inaresto ng mga awtoridad matapos na maaktuhan ang mga itong illegal na nanghuhuli ng pawikan, isang endangered species sa karagatan ng Balabac, Palawan kamakalawa ng hapon. Sinabi ni AFP-Western Command Chief Lt. Gen. Juancho Sabban, kasalukuyan pang sumasailalim sa dokumentasyon ang 6 Chinese na hindi marunong mag-English. Kinilala ang mga ito na sina Li Yin Chi, 17; Li Yin Chin,56; Lia Tong Win, 14; Pai Chong Kwe,56; Pang Lung So, 31 at Tsung Bia, 17 taong gulang. Bandang alas-5:30 ng hapon ng mahuli sa akto ng nagpapatrulyang mga elemento ng Philippine Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8, Philippine Navy, Police Maritime Group, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang naturang mga Intsik na naghuhuli ng pawikan sa reef area may 300 metro ang layo sa dalampasigan ng Sitio Timbayan, Brgy. Ramos sa bayan ng Balabac. Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong buhay na pawikan, dalawang patay na pawikan, lambat at mga kemikal na gamit ng mga ito sa illegal na panghuhuli ng yamang dagat.