Magugunitang simula ngayong Enero, mula sa dating P240, magiging P500 na ang kada araw na combat pay ng mga sundalong napapasabak sa operasyon.
Ginawa ng Pangulo ang talumpati kasabay ng turnover ceremony ng Philippine Navy leadership kung saan pormal nang umupo si Rear Adm. Alexander Pama bilang bagong Flag Officer in Command (FOIC) kapalit ng nagretirong si Rear Adm. Danilo Cortez.
Sinabi ng Pangulo na alam nitong kakarampot lamang ang naibigay na dagdag combat pay kaya patuloy sila sa paghahanap ng pondo para sa kanilang benepisyo.
Kabilang dito ang mga benepisyong pangkalusugan, pabahay at iba pang pangangailangan para mapataas ang morale ng mga sundalo.
Kasabay nito, todo-papuri naman ang Pangulo kay Cortez habang ipinaabot din nito ang pagtitiwala kay Pama na pamunuan ang Philippine Navy.
Nangako rin ito ng buong suporta sa bagong liderato ng Hukbong Pandagat.
"Pero kung may paraan naman po tayong dagdagan ang inyong benepisyo, bakit naman po namin ito ipagdadamot sa inyo, hindi po ba? At tuloy-tuloy na po ito. Mula sa armas, hanggang sa mga barko; mula sa mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa mga pabahay, titiyakin nating makakatanggap ng sapat na pabuya at sustento ang ating hukbong-dagat," ani Aquino.